Ililipat na sa kuwartong para sa mga pasyenteng walang COVID-19 si dating Pangulong Joseph "Erap" Estrada matapos na alisin na siya sa ICU, ayon sa kaniyang anak na si dating Senador Jinggoy Estrada.
Inihayag ito ni Jinggoy sa Facebook post nitong Miyerkules, isang araw matapos magnegatibo na sa COVID-19 ang dating pangulo.
"My father is back to a regular room and will be transferred to the non-COVID area in a few days. He is still on oxygen but no longer high flow and only by nasal cannula," ayon sa dating senador.
"He has no more fever and is eating well. He is well-oriented and conversing normally," patuloy ng nakababatang Estrada.
Sa kabila nito, patuloy na humihingi ng panalangin si Jinggoy para sa lubos na paggaling ng ama.
"Our family wishes to thank everyone who offered their prayers and support. Please continue to pray for him and to all those afflicted by this disease," hiling niya.
Marso 29, nang ibalita ni Jinggoy na nagpositibo sa COVID-19 ang kaniyang ama.
Ilang araw lang matapos nito, lumalala ang pneumonia ni Erap kaya kinailangan siyang gamitan mechanical ventilation. Pagkaraan nito ay unti-unti nang bumuti ang kaniyang kalagayan. — FRJ, GMA News