Ikinuwento ni Jean Garcia na maliban sa paghina sa pagkain, walang ibang palatandaan ng COVID-19 na ipinakita ang kaniyang 70-anyos na inang si Sandra, na pumanaw nitong nakaraang linggo.
"Wala naman siyang fever, no cough, no colds, no difficulty in breathing. Wala naman ganun si mommy. Humina lang kumain," kuwento ni Jean sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules.
Alas-dos ng madaling araw noong Marso 23 nang magpasya silang dalhin sa ospital ang kaniyang ina. Pero ilang ospital daw na mahigit 10 ang kanilang inikutan bago ito na-admit pagsapit ng 3:00 pm.
Nang isailalim sa COVID-19 test, doon na nila natuklasan na positibo ito sa virus. Dahil hindi naman daw lumalabas ng bahay ang kaniyang ina, ipinagtaka niya ito at hiniling na magsagawa ng isa pang test pero positive pa rin ang resulta.
Hinihinala niya na baka sa caregiver nahawa ang kaniyang ina, dahil positive din ito sa COVID-19 pero asymptomatic.
Naka-isolate din ngayon si Jean sa bahay pero wala naman daw silang nararamdamang sintomas.
Dahil sa naging karanasan nila sa COVID-19, sinabi ni Jean na "COVID-19 is real."
“Masakit talaga so sana lesson kasi COVID-19 is real. Hindi siya biro. Isa siyang plague,” anang Kapuso actress.
“[H]uwag tumigas ang ulo. ’Wag ka na lang lumabas," ayon kay Jean na nagsabin rin na dapat isipin ng mga tao ang ibang kasama sa bahay at hindi lang ang sarili.--FRJ, GMA News