Isang resort sa Bolinao, Pangasinan ang ginawa na ring "tech hub" para patuloy na makatrabaho online ang kanilang mga bisita kahit nagbabakasyon o nais na lumayo muna sa lugar na mataas ang COVID-19 cases.
Sa "Good News," pinuntahan ni Bea Binene ang Birdland Beach Club sa Bolinao, na bukod sa dama ang sariwang hangin ay tiyak na mabubusog ang mga mata sa napakagandang tanawin.
Bukod dito, mayroon itong Wifi connection kaya puwede rin ito sa mga nagtatrabaho.
Ang tutulugan tulad ng "Bolifugao" houses, mga kubo na mistulang nasa tore at nakaharap sa dalampasigan kaya damang-dama ang sariwang hangin.
Samantala, ang Camp Paraiso naman sa Bongabon, Nueva Ecija ang pinuntahan ni Mae Bautista, na bukod sa pool, sangkatutak na bulaklak at halaman, itinatampok ang malamig na ilog at falls.
Sikat naman sa Doña Remedios Trinidad ang papaitang kambing at laing na may suso na hindi dapat palampasin ng mga turista. Panoorin sa video.
--Jamil Santos/FRJ, GMA News