Panalo ang pambato ng Pilipinas na si Kelley Day sa national costume competition ng Miss Eco International pageant.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing nag-stand out ang red terno ng Kapuso actress sa pageant mula sa mga national costume ng mahigit 60 kandidata ng pageant.
Ang costume ni Kelley ay modern take ng Filipino designer na si Louis Pangilinan sa classic Pinay traditional dress.
"It was such an honor to wear this beautiful creation in the National Costume Competition of Miss Eco International," sabi ni Kelley sa kaniyang Instagram.
Pinasalamatan naman si Kelley ang lahat ng tumulong para mabuo ang kaniyang inilabang national costume.
"Winning 'Best National Costume' tonight just made me feel even more proud to be representing the Philippines. Thankful for all the hard work and creativity of the team that was behind this," saad pa niya.
Sa Easter Sunday gaganapin ang coronation night ng Miss Eco International 2021 sa Egypt. – Jamil Santos/RC, GMA News