Tinugunan na ng kampo ni Kakai Bautista ang babala na natanggap ng komedyana mula sa kampo ng Thai actor na si Mario Maurer.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, sinabi na inilahad ng kampo ni Kakai na walang katotohanan o legal na basehan ang alegasyon na ginamit niya ang pangalan ni Mario.

Ayon sa statement ng komedyana, base sa totoong personal experience ni Kakai at pakikipag-usap noon kay Mario at sa kaniyang team ang lahat ng kaniyang sinabi.

“The truth of the matter is that nay and all factual allegations of our Client as to her experience, connection, and communication with Mr. Maurer and the latter's team are only based on truthful occurrences as substantiated by evidence and done without any malice or bad faith on her part” saad sa statement.

Kasabay nito, kinuwestiyon ng kampo ni Kakai kung tunay na awtorisado ng agency ni Mario Maurer ang demand letter dahil wala itong demand letter head, mailing address at contact number ng agency.

Ipinadala na rin ng kampo ni Kakai ang sagot sa demand letter.

Matatandaang sumulat ang agency ni Mario na Kwaonhar Nine Nine Co., Ltd. kung saan sinabihan nito si Kakai na mag-"cease, desist, and refrain from further use and reference of the name of Mario Maurer."

Dagdag pa ng agency, itinatanggi nilang close sina Kakai at Mario.

Ayon pa sa agency, mapipilitan silang maghain ng reklamo kapag hindi tumigil si Kakai. —Jamil Santos/LBG, GMA News