Nagsalita si Kyline Alcantara tungkol sa burger photo nila ni Miguel Tanfelix na kinakiligan at pinusuan ng netizens.

"'Yung eksena na 'yan mapapanood niyo 'yan sa medyo dulo-dulo nang part ng "I Can See You" so dapat niyo talagang tutukan 'yang eksena na 'yan,” nangingiting sagot ni Kyline sa ArtisTambayan.

 

Posted by GMA Drama on Thursday, March 4, 2021

 

Kuwento ni Kyline, hindi rin naiwasan ng production na kiligin sa eksena nila ni Miguel.

“Dahil lahat nu'ng nasa set nu'ng time na 'yon sobrang kinilig sa nangyari sa eksena na 'yon. So it's part of the scene," saad ng aktres.

Bibida sina Kyline at Miguel sa Season 2 ng "I Can See You" sa episode na pinamagatang #Future.

Gaganap si Miguel bilang aspiring reporter at social media addict na si Vinchie Torres na biglang magbabago ang ikot ng kaniyang buhay matapos balewalain ang isang insidente ng pagnanakaw na magreresulta sa habangbuhay niyang pagsisisi.

Ngunit may makikita siyang isang misteryosong CCTV camera na nakakikita sa mga pangyayari ilang minuto bago pa sila aktuwal na mangyari.

Ililigtas niya ang isang babae na si Lara Dacer (Kyline). Magiging malalim ang kanilang pagkakaibigan. Pero may madidiskubre si Vinchie na mag-uugnay sa pareho nilang masakit na nakaraan ni Lara.

"With us kasi medyo mabigat 'yung story namin, like may nata-tackle na depression, anxiety," sabi ni Kyline.--FRJ, GMA News