Sa harap ng mga usap-usapang nagkakamabutihan sila ni Sheryl Cruz, inihayag ni Jeric Gonzales na mas gusto niyang makarelasyon ang babaeng mas may edad sa kaniya.

Sa programang "The Boobay and Tekla Show," ipinaliwanag ni Jeric na mas gusto niya ang babaeng mas matanda sa kaniya dahil mas malawak na ang karanasan nito sa buhay.

"Mas may experience ang babae, mas marami akong matutunan 'di ba?," ayon sa leading man ng Kapuso series na "Magkaagaw."

Muli namang tinanong si Jeric kung ano na nga ba ang real score sa kanila ng co-star niya sa "Magkaagaw" na si Sheryl.


Pag-amin ni Jeric naging very close sila ni Sheryl dahil sa serye pero kung ano man daw ang nabuong special friendship sa kanila ng aktres ay nais niyang maging sa kanila na lamang ito.

At nang tanungin naman ang aktor kung sa tingin ba niya ay sina na ba ang "dream boy" ng aktres, sagot ni Jeric: "Sa tingin ko ako na."

Matatandaan na isa sa mga naging hit songs ni Sheryl ang kantang "Mr. Dream Boy." --FRJ, GMA News