Iginagalang ni Rocco Nacino ang pasiya ng asawa niyang si Melissa Gohing na huwag muna silang magkaroon ng anak.

"Ako 'yung gustong magka-baby agad. Si Mel (Melissa) ang gusto pang magtrabaho," sabi ni Rocco sa "Sarap, 'Di Ba?"

Ayon kay Rocco, gusto ni Melissa na sulitin muna ang pagiging volleyball player nito.

"Ang sa akin naman, ayoko lang ng may regrets. 'Sayang naman, hindi ako nakapag-volleyball.' I want to give her that also," saad ni Rocco.

"Kapag talagang sawa na siya sa volleyball and she feels na sapat na 'yung nabigay niya to the sport, doon na kami magbabalak," paglalahad ng Kapuso actor.

Dahil sa COVID-19 pandemic, wala pang nagiging "legit" na honeymoon sina Rocco at Melissa, pero nakapag-"mini-honeymoon" naman sila sa Boracay.

Nakumusta rin ang mga bagong kasal tungkol sa kanilang adjustments ng pagtira sa iisang bahay.

"It's different. Kasi every day makikita mo siya paggising mo," ayon kay Melissa.

"Finally, we saw how each other sleeps, magkasama kaming mag-CR, magkasama kaming maligo. Gano'n ang buhay mag-asawa, and it's so much fun kasi every day is always another opportunity for us to learn more about each other," sabi ng Kapuso actor.

Ikinasal sina Melissa at Rocco noong Enero 21, 2021. – Jamil Santos/RC, GMA News