Ikinuwento ng dating singer-actress na si Rachelle Anne Wolfe ang naging laban ng kaniyang pamilya sa COVID-19 nang tamaan silang lahat ng virus sa Amerika.
Sa programang "Just In," sinabi ni Rachelle sa host ng programa na si Vaness Del Moral, na anim silang tinamaan ng COVID-19 sa kanilang bahay na kinabibilangan ng kaniyang asawa at mga anak.
Ayon kay Rachelle, siya ang huling dinapuan ng virus kaya noong una ay siya nag-asikaso sa kaniyang mag-aama na noo'y naka-home quarantine at nananatili lang sa kani-kanilang kuwarto.
Pero nang maging siya ay magkaroon na rin ng COVID-19, hinayaan na niyang lumabas ng kuwarto ang kaniyang mag-aama dahil lahat naman na sila ay positibo na sa virus.
Sa kabutihang-palad, ligtas nilang nalampasan ang virus pero maaari pa rin daw na dapuan ng COVID-19 ang mga taong tinamaan nito.
Sa ngayon ay nabakunahan na umano sila ng kaniyang mister ng first shot ng COVID-19 vaccine pero hindi pa ang apat nilang anak. Panoorin sa video ang buong panayam kay Rachelle.--FRJ, GMA News