Hindi nagkamali ang mga sumubaybay sa finale ng "Prima Donnas" na magkakaroon ng book 2 ang serye matapos dumilat ang mga mata ni Kendra [Aiko Melendez].
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni direk Gina Alajar na inihahanda na nila ang istorya ng book 2 ng serye.
"Meron nang plot, meron nang istorya ang creatives. So we will just iron it out, pagdudugtong-dugtungin na lang 'yan and it's going to be exciting," anang actress-director.
Nang malaman ng mga bida sa serye ang magandang balita, labis ang kanilang pasasalamat sa bagong oportunidad.
"Alam ko po na ito po 'yung gift namin ni God dahil meron po kaming nabibigay na lesson sa mga viewers namin. Very thankful po ako and sobrang saya ko po," sabi ni Jillian Ward, na gumanap na si Mayi.
"It means so much to me bilang Len Len kasi parang it gave another chance para maipakita ko 'yung hindi ko nagawa because nga hindi ako nakabalik," dagdag naman ni Sofia Pablo, na hindi na nakabalik sa taping ng serye dahil sa labor protocols sa COVID-19 para sa mga batang edad 15 pababa.
Nagpapasalamat din sina Althea Ablan at Elijah Alejo dahil patuloy nilang makakatrabaho ang cast members ng serye.
"Sobrang saya, kasi parang hindi na namin kayang pakawalan 'yung isa't isa. Parang puwedeng kami na lang hanggang dulo," ani Althea na gumanap na si Donna Belle.
"Grabe po, masyado na po ako naattach sa kanila," sabi naman ni Elijah, ang kinainisan sa serye na si Brianna.
Nakatanggap din ng papuri maging kay GMA Network Chairman and CEO Felipe L. Gozon ang serye dahil sa mataas nitong ratings.
"Sobrang kinilabutan ako kasi siyempre, coming from your big boss, na na-appreciate niya 'yung show namin. All our hard work paid off. Talagang masaya ako," ani Aiko.—FRJ, GMA News