Sa virtual presscon ng teleseryeng "Babawiin Ko Ang Lahat" nitong Martes, inihayag ng batikang aktor na si John Estrada na naniniwala siya sa karma.

Sa artikulo ni Bernie V. Franco sa PEP.ph nitong Miyerkules, sinabing kasama sa naturang presscon ang iba pang iba pang seasoned actors sa teleserye na sina Carmina Villarroel, Tanya Garcia, Gio Alvarez, at Tanya Gomez.

Ayon kay John na leading man sa "Babawiin Ko Ang Lahat," masuwerte ang mga kabataang kasama nila sa proyekto dahil  hindi maramot na magbigay ng payo ang mga artistang katrabaho na nila na mas matagal na sa industriya.

Sinabi ng aktor na handa siyang magbigay ng payo kung may hihingi sa kaniya nito.

“Mahirap namang magbigay ng unsolicited advice, ‘no," aniya. “Siyempre, magbibigay ka ng advice kung hihingi ng advice sa ‘yo, di ba?”

Naniniwala si John na kaya tumagal sila sa showbiz ay dahil generous sila sa mga nakababatang artista.

“Ako, naniniwala ako sa karma. Sabi nga ng nanay ko, ‘Ang karma, anak, kapag dito mo ginawa sa mundo ‘yan, dito mo rin pagbabayaran ‘yan,’" paliwanag niya.

“Pag may ginawa kang kabutihan dito, dito rin babalik sa ‘yo ‘yan. I really believe kaya kami tumagal sa industriyang ito dahil generous kaming mga artista," patuloy ni John.

Sabi pa niya, “Hindi yung alam mo nang nahihirapan yung baguhang artista, ikaw naman, e, ‘Naku, pakialam ko sa ‘yo.’ I think that’s one of our traits kaya po kami tumagal sa industriya na ito."

Nakita raw ni John kung gaano ka-generous ang mas nakakatandang artista sa mga mas batang artista nang mag-lock-in taping sila ng isang buwan.

Kasama rin sa teleserye ang young Kapuso stars na sina Pauline Mendoza, Kristoffer Martin, Manolo Pedrosa, Dave Bornea, at Therese Malvar.--For the full story, visit PEP.ph