Unang nasilayan ng publiko si Dasuri Choi nang sumali siya sa pa-contest ng "Eat Bulaga" na You're My Foreignay noong 2014. At hindi man siya ang nanalo, nagbukas naman ito ng maraming oportunidad na nagpabago sa kaniyang buhay.

Sa programang "Tunay Na Buhay," inilahad ni Dasuri na pangarap niyang maging isang professional dancer kaya binalak niyang mag-abroad at mag-aral na rin ng English.

Pero dahil sa hindi nga marunong mag-ingles, sinabi ng kaniyang ama na sa Pilipinas mag-aral ng dayuhang wika dahil nasa Clark, Pampanga naninirahan ang kaniyang lolo't lola.

"Sabi ko, 'Why don't I try to study more sa abroad, sa New York or L.A. Tapos mag-aaral din po akong konting English. Sabi ng [tatay ko] 'Marunong ka bang mag-English?' Sabi ko 'Hindi! Mag-aaral ako du'n.' Hindi raw pupuwede, kasi sobrang strict 'yung tatay ko," kuwento ni Dasuri.

"Nu'ng nasa Manila po ako, hindi ko ma-contact 'yung lolo ko. Iniwan niya ako sa Manila tapos 'Bahala ka sa buhay mo,' parang ganiyan," natatawa niyang sabi. "Nag-survive po ako kahit hindi ako marunong mag-English and Tagalog. Nag-survive po ako ng three months dito."

At nang ma-contact na niya ang kaniyang lolo, lumipat naman siya sa Ortigas.

"Sabi niya 'Sige maglipat ka na sa Ortigas, I'll rent you condo.' Tapos 'bahala ka sa buhay mo' ulit. Nag-extend extend 'yung stay ko po dito sa Pilipinas," masaya niyang balik-tanaw.

Dito na nagsimulang makakuha si Dasuri ng guestings at dance classes sa Pilipinas. Maliban dito, nakuha niya na rin ang kaniyang working visa.

Matapos sumali sa "You're My Foreignay" noong 2014, naging sunod-sunod na ang proyekto ni Dasuri, pati na sa mga Kapuso shows tulad ng "Day-Off" at "Inday Will Always Love You."

Ngayon, napapanood muli sa "Eat Bulaga" si Dasuri sa segment na "Social Dis-dancing."

Si Dasuri rin ang marketing manager ng hotel na pagmamay-ari ng kaniyang pamilya.-- FRJ, GMA News