Masayang ikinuwento ng batikang aktres na si Coney Reyes ang naging karanasan niya sa kauna-unahan niyang ang lock-in taping para sa Kapuso series na "Love Of My Life."
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, inihayag ni Ms. Coney na nahirapan din siya noong una na mag-adjust sa new normal ng lock-in taping bilang pag-iingat sa COVID-19.
Sa lock-in taping, tumatagal ng ilang linggo hanggang isang buwan na walang uwian ang cast members at production staff habang ginagawa ang mga episode ng serye.
"Sa first two days ko sa lock-in, parang gusto ko nang umuwi. Napapraning ako. Kasi parang feeling ko meron akong mga protocols na nakakalimutang gawin," kuwento ng aktres.
Pero nakapag-adjust din daw siya sa mga sumunod na araw sa tulong ng kaniyang mga co-star at production team.
Kaya naman sa part 2 ng kanilang lock-in taping, mas naging handa at mas naging excited na raw si Coney.
Mas maraming gamit na rin daw ang kaniyang dinadala gaya ng kaniyang mga kasamahan.
Dahil din sa new normal na taping, mas naging close at nakakapag-bonding nang husto ng co-stars kaya naging mas magaang daw ang kanilang trabaho kahit pa mabibigat ang kanilang mga eksena.
Nagsimulang mapanood ang mga bagong episode ng serye nitong Lunes na kapulutan ng aral ng bawat pamilya.
"Lahat ng pamilya may problema. Iba-ibang klase ng problema nga lang," sabi ni Coney. "[Pero] Kahit anong pagkakagulo, pag-aaway, bottom line, you love one another. Love will never fail, it will never fails." --FRJ, GMA News