Para maparami ang mga halaman, isa sa mga paraan na maaaring gawin ng mga plantito at plantita ang marcotting o air layering.
Sa "Mars Pa More," ipinakita ng plantita na si Mylene Dizon ang step-by-step na pag-marcot ng halaman, na nangangailangan ng coco peat, tubig, cutter, clear plastic, at honey dahil nagsisilbi itong growth hormone.
Sa pag-marcotting, pumili muna ng isang sangay ng halaman na hindi "mura" o bata para ito ang gagawing bagong halaman.
Sunod, humanap ng node kung saan tumutubo ang mga dahon at putulin. Balatan ang area ng node sa tangkay gamit ang cutter, at patuyuin sa loob ng isang araw.
Pagkatapos, balutan ng plastic ang bahagi ng binalatan na tangkay at gumawa ng pocket o lagayan para sa coco peat. Isiksik ang coco peat sa plastic.
Iwan ang coco peat ng isang buwan, saka tingnan kung may tumubo nang mga ugat. Kapag tumubo na ang halaman, maaari na itong putulin at itanim.
Para kay Mylene, hindi niya makakahiligang gawing negosyo ang kaniyang paghahalaman, kundi mas gusto niyang magbigay ng mga halaman bilang regalo sa mga tao.
"Para gumawa ng negosyo out of these ornamental plants, parang hindi ko mahihiligan bilang mas gugustuhin kong ipamigay siya sa mga kaibigan. I think it's such a wonderful thing to give somebody with a living thing," sabi ng aktres.--FRJ, GMA News