Para sa taong 2021, gusto ni Ruru Madrid na mapabuti pa ang kaniyang sarili kaya tutuparin niya ang kaniyang goals, at isa na rito ang pagsisimula ng kaniyang negosyo ng sapatos.

"Ang lagi kong sinasabi na ang wish ko lang talaga is maging better lang ang lahat, maayos lang lahat. Kasi alam naman nating lahat na itong 2020 ay hindi naging maganda para sa atin," sabi ni Ruru sa panayam sa kaniya ng GMA Network.

"So next year siguro, makikisabay lang ako sa flow. Ayoko na kasing mag-expect. Like last year ganiyan din eh. Sabi ko sa sarili ko na 'Dapat ganiyan,' 'Dapat ganito' 'Next year gagawin ko ito.' Siguro go with the flow," pagpapatuloy ng Kapuso actor.

Gayunman, gusto na niyang simulan ang pagnenegosyo.

"And 'yung mga matagal ko nang pinaplano before, kailangan this year magawa ko na. Magtatayo ako ng business ng sapatos, itutuloy ko na 'yan."

Isa pa sa mga gustong pagbutihin ni Ruru ang kaniyang lifestyle.

"Lagi kong sinasabi na every year dapat ma-reach ko 'yung goal ko na katawan. Dapat next year maging mas healthy ako, ganiyan. Uulitin ko lang ulit 'yon. Kasi kahit paano, kahit hindi ko naman naa-achieve totally 'yung gusto ko, kahit paano may nangyayari naman, so ganu'n na lang din."

Para kay Ruru, "health is wealth" kaya kailangang pangalagaan ang sarili.

Bibida si Ruru sa GMA Public Affairs series na "Lolong." Dalawa ang kaniyang magiging leading lady, na sina Shaira Diaz at Arra San Agustin.

"Kailangan mas magpursigi ako dito sa 'Lolong.' Kung dati ang ibinibigay ko 100%, kailangan this time dodoblehin ko, titriplehin ko pa. Ganoon magiging dedicated sa trabaho," sabi ni Ruru. – Jamil Santos/RC, GMA News