Ilang araw na lang, mapapanood na ang mga pelikulang kasali sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2020 na magsisimula sa Pasko, December 25. Alamin kung papaano ang mga pelikula sa pamamagitan ng streaming platform na Upstream.ph.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing katulad din sa mga kilalang international streaming app ang Upstream, pero gawa ito ng mga Pinoy.
"For example sa mga kasama natin dito sa online platform, kami lang 'yung puwedeng mag-pause, rewind, play, forward na mga features. Yung iba 'pag nag-start ka, hindi mo na puwedeng atrasin, kailangan tapusin mo," sabi ng direktor na si Erik Matti, na Upstream PH creative partner din.
Para mapuntahan ang website, i-type lang sa browser ang Upstream.ph.
"Actually 'pag in-access mo 'yung website, 'pag tinype mo 'yan, lalabas na lahat ng posters ng 10 entries ng MMFF. Makikita mo roon, pili ka na roon kung anong gusto mong pelikulang panoorin," sabi ni Dondon Monteverde, Upstream business partner.
"From there, may advanced booking features ang Upstream. Puwede mong pindutin para mag-reserve ka ng ticket as early as now," dagdag ni Monteverde.
Nagkakahalaga ng P250 ang bawat ticket sa pelikula, na maaari nang panoorin ng buong pamilya.
"Puwede mo itong i-reserve now. 'Yung ticket mo dadalhin ka na sa ticketing gateway namin, doon ka magbabayad," ayon kay Monteverde.
Puwede ring mapanood ng mga nasa abroad ang mga pelikula sa halagang $10.
"How it's done in the local. Kasi ang maganda nga dito sa Upstream may advanced ticket selling tayo. Pero pagdating ng 25th (Disyembre) hanggang January 7, siyempre real time na 'yan lahat," sabi ni Monteverde.
Inilabas na ng Metro Manila Film Festival (MMFF) ang pinal na listahan ng mga kalahok para sa taong 2020.--FRJ, GMA News