Sa episode ng "Wowowin-Tutok To Win" nitong Huwebes, sinabi ni Willie Revillame na tatlong araw nang mataas ang presyon ng kaniyang dugo na nasa 150/110.

Tulad nitong Miyerkules, hindi muling nag-opening number si Willie. Sa halip, ang mga co-host niyang sina "Hipon Girl" Herlene at beauty queen Michelle Gumabao ang nagpasimula ng programa.

"Kapag magkaka-edad ka na pala nag-iiba na. Kapag tumatayo ako sa nadaling araw, ihi ako nang ihi, tapos ang balakang ko ang sakit," kuwento ni Kuya Wil.

"Kapag magsi-sixty years old ka na, marami kang nararamdaman. Isipin niyo tatlong araw na akong 150/110, yan yung bp [blood pressure] ko," dagdag niya.

Nitong Miyerkules, inihayag din ni Willie na masama ang kaniyang pakiramdam.

Nagbiro pa siya na mumultuhin niya ang mga staff ng programa kapag may nangyari sa kaniya.

"Yung blood pressure ko hindi nga bumababa eh. Ano yun pwede akong atakihin [sa puso]?" tanong niya kahapon.

"Pag may nangyari sa akin inatake ako, mumultuhin ko kayong lahat. Kukurutin ko yung mga ano nyo," natatawa niyang sabi sa staff.


Sa kabila ng kaniyang nararamdaman, tuloy pa rin si Kuya Wil sa pagtawag sa mga tao na binibigyan niya ng kaunting tulong pinansiyal at sa mga palaro tulad ng "Pera o Kahon." --FRJ, GMA News