Sa programang "Just In," binalikan ni Carol Banawa kung paano siya nagsimula sa showbiz, hanggang sa makilala bilang isang magaling na singer. Ipinaliwanag din niya kung bakit hindi siya nagsisising iwan ang entertainment industry sa kabila ng mausbong niyang career.
Nagsimula si Carol sa GMA Network sa "Lunch Date," at sumali sa mga paligsahang "Munting Mutya" at "Tanghalan ng Kampeon."
Nakasama rin siya sa isang youth-oriented comedy variety show, hanggang sa nagkaroon na siya ng iba't ibang singing album.
Pero sa kabila ng maganda niyang career, nagdesisyon si Carol na iwan ang showbiz.
BASAHIN: Singer-turned-nurse na si Carol Banawa, frontliner sa Amerika
"Na-burnout, na-burnout ako noong time na 'yun. Kasi noong time na 'yun 21 ako, halo-halo. Na-inlove tapos burnout kasi I was working fulltime... Kumbaga a lot of things were happening within me, ang dami kong battles within me," paliwanag ni Carol na isa nang nurse sa Amerika.
"Grateful ako ang dami kong work, but it was getting too busy tapos at the same time hindi ako nagkaroon ng time to grieve, 'yung time na namatay ang kuya ko. I had to work and be strong, kailangan work agad kasi kailangan eh, walang choice," paglalahad niya.
Nakilala naman ni Carol ang kaniyang asawa na ngayon sa U.S.
"I had to leave. That was the only logical thing for me to do at that time. And I did, so I left," sabi ni Carol.
Bukod dito, maysakit din ang ama ni Carol noon at may nag-alok na maaaring itong magamot sa Amerika.
Hindi naman pinagsisisihan ni Carol ang pag-alis niya sa bansa.
"I don't regret what I did kasi at the same time it was a good time for me to leave kasi my career was at it's best at that time noong umalis ako... It was also something that I needed for myself."--FRJ, GMA News