Ibinahagi ni Maine Mendoza ang kakaiba niyang koleksyon ng iba't ibang kulay at brand ng nail polish, na "therapeutic" at nagbibigay-kasiyahan sa kaniya.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras," sinabing ipinakita ito ni Maine sa Dabarkads' Vlog ng Eat Bulaga YouTube channel.
Dalawang taon na aniyang nangongolekta si Maine ng mga nail polish, kaya naman tila nail salon owner na rin siya sa dami ng kaniyang koleksyon.
Gayunman, hindi pa raw nagagamit ni Maine ang halos karamihan sa mga ito.
Dagdag pa ni Maine, matagal na niyang pangarap na magkaroon ng nail salon, pero kailangan niya muna itong ipagpaliban sa ngayon kaya mangongolekta na lang muna siya.
Samu't sari ang mga nail polish ni Maine, mula sa glittery, neutral at pastel colors o mapa-glossy o matte nail polish man.
"Wala lang, happy lang ako kapag bumibili ako ng maramihan tapos gagamitin ko sila dito tas le-label-an ko, therapeutic sa akin, nagbibigay siya ng happiness sa akin tapos napapakalma na ako," anang Phenomenal Star.
Maliban sa iba't ibang kulay ng mga nail polish na gusto niyang idini-display, mahilig din si Maine na bumili ng nail treatments na madalas niyang gamitin.
Samantala, napili rin si Maine bilang celebrity champion ng Babaeng Biya Hero Campaign ng Safe and Fair Philippines bilang pagtulong sa pagsugpo ng karahasan laban sa mga babaeng OFW.
Sa FB live ng Safe and Fair Philippines kung saan naghost si Suzi Abrera, sinabi ni Maine na malapit sa kaniyang puso ang adbokasiya dahil meron siyang mga kaibigan, kaanak at fans na nagtatrabaho sa ibang bansa.
Maraming nakilala si Maine na migrant workers sa pagbiyahe niya sa abroad, pati sa kanilang Bawal Judgmental segment sa Eat Bulaga.
"'Pag tinatanong po namin 'yung naging experience po nila doon sa employers nila and 'yung experience po nila working abroad, ang hirap po na tanggapin na 'yung mga abuse po na kailangan nilang harapin at pagdaanan. Wala ka nang magawa kasi kinukuwento na lang po nila doon eh," sabi ni Maine.
Gusto ni Maine na tumulong upang maipakalat ang mga mahahalagang impormasyon sa OFW women, patatagin ang kanilang loob at hikayatin silang humingi ng tulong kapag nakaranas sila ng mga pang-aabuso.
"Ang laking bagay na po ng pag-provide and pag-reassure po ng support services and protection system po that they deserve, 'yung ligtas, patas, disenteng trabaho at maayos na migration experience po for them," sabi ni Maine. – Jamil Santos/RC, GMA News