Kahit sumailalim noon sa kidney transplant, hindi natatakot na magtrabaho sa labas ang batikang aktres na si Sandy Andolong dahil naniniwala siyang iingatan siya ng Diyos.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing bibida si Sandy sa isang episode ng "Wish Ko Lang" na ipalalabas sa Sabado kasama sina Ysabel Ortega, Psalms David at Chanel Latorre.
"Walang fear on my part, well for one, I know I'm protected by God. Secondly, basta I'm careful and the people around me, I have to say itong sa taping namin, talagang super careful silang lahat," sabi ni Sandy.
Gayunman, nalulungkot si Sandy dahil hindi niya nakakasama ang mga anak ngayong panahon ng pandemya.
Sa ngayon, ang bunso na lang nila ni Christopher de Leon ang kanilang kasama sa bahay habang ang apat pa nilang anak ay naninirahan na ibang bansa.
Gumagawa naman daw ng paraan si Christopher para magkasama-sama pa rin silang buong pamilya kahit sa online.
"Si Bo (Boyet) started having a bible study with the children. So once a week nagvi-video call kami. In a way nashe-share-an namin ang mga bata 'yung Salita ng Panginoon," kuwento ni Sandy.
Gaganap sina Sandy at Ysabel bilang mag-ina sa episode ng "Wish Ko Lang." Sa naturang istorya, lumuluha ng dugo ang karakter ni Ysabel.
"Pinagkaguluhan siya ng taongbayan because iniisip nila himala," sabi ni Sandy.
"It is a very challenging character to portray pero ang napansin ko rin kay Nicole is may tiwala siya sa Diyos. Even if kahit na ang dami nang trials na pinagdaanan, she still remains strong sa faith niya," sabi naman ni Ysabel.
Unang beses naman ito ni Psalms David, "The Clash Season 1" finalist, na subukan ang pag-arte, na na-enjoy niya.
"Very welcoming po lahat ng staff, pati po 'yung mga artista na nakasama ko. Sobrang comfortable po katrabaho, hindi ko po na-feel 'yung intimidation sa kanila," kuwento ni Psalms.--Jamil Santos/FRJ, GMA News