Kahit nakasakay lang sa jeep, nanalo pa rin ng P1 milyon ang isang babae sa "Pera o Kahon" ng Wowowin.

Kagagaling lang ni Rona Jane Juco ng San Fernando, Pampanga sa trabaho at pauwi na siya nang tawagan siya ni Kuya Willie Revillame para maglaro sa naturang segment.

Nataranta pa si Rona sa pagpili ng mga unang kahon, hanggang sa umabot na lamang sa isang kahon na tila may surpresa ang kaniyang pagpipilian.

Dito, pinapili na siya ni Kuya Wil kung perang P300,000 na lang o "kahon" ang gusto niyang mapanalunan.

Napababa pa si Rona sa sinasakyan niyang jeep, samantalang nagsuhestiyon naman si Kuya Wil na piliin ang kahon.

Umabot pa sa P500,000 ang perang alok ni Kuya Wil, pero may "request" pa siya kay Rona na kahon na ang kaniyang piliin.

Nang sumagot si Rona ng "kahon po," dito na binuksan ni Kuya Wil ang kahon na naglalaman ng P1 milyon. -NB, GMA News