Inihayag ni Kate Valdez na nakaranas siya ng stress sa pagganap bilang si Natalie sa "Anak ni Waray vs. Anak ni Biday" dahil bukod sa nagkaroon siya ng bashers, malayo rin siya sa pagiging sosyal at maarte ng kaniyang karakter.

"Sobrang challenging niya kasi first kong role ito na kontrabida na talaga ako. Kasi 'yung sa Encantadia as Mira, hindi naman talaga siya masungit at all, seryoso lang siya. Pero si Natalie kasi may kasamang sabunot, may kasamang sampal. So iba ito sa akin and hindi pa ako nakakapanakit, ever," sabi ni Kate sa "Hangout" ng GMA Artist Center.

Ayon kay Kate, hindi naiiwasan sa set ang magkasakitan kahit pa may kaunting "daya," dahil nadadala pa rin ang emosyon nilang mga artista.

"Doon ako nakakuha ng mga nagalit sa akin, mga basher. As in 'yun 'yung time na, na-stress din talaga ako," sabi niya. "Masyado silang napaniwala sa role ko na si Natalie. Pero memorable naman siya for me, tumatak siya sa akin. Minahal ko rin si Natalie."

Hirap daw si Kate noong una na maging kontrabida, dahil hindi siya sanay na may mga tao na nagagalit sa kaniya.

"At first ang hirap siyang tanggapin for me, kasi ayokong may nagagalit sa akin. Pero afterwards nayakap ko na rin 'yung character ni Natalie doon ko na naintindihan na 'Wow okay. So effective pala talaga, and tumatak ako sa audience dahil nagagalit sila sa akin. Naniniwala sila na totoo," anang Kapuso actress.

"Pero may part po sa akin na nalulungkot ako kasi baka isipin nila ganu'n talaga ako. Eh sobrang naaliw ako kay Natalie. Inaral ko rin 'yung pagiging sosyal, maarte kasi hindi talaga ako ganu'n. Hahaha. Hirap ako, sobrang hirap ako," sabi pa niya.

Simula Setyembre, balik-taping na si Kate sa taping ng "Anak ni Waray vs. Anak ni Biday."—LBG, GMA News