Inihayag ni Lotlot de Leon ang kaniyang suporta para sa anak niyang si Diego Gutierrez, na pinasok na rin ang showbiz.

Sa Chika Minute ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing sinusubaybayan ni Lotlot ang kaisa-isa niyang anak na lalaki ngayong pumasok na ito sa indusriya.

"Si Diego naman bago rin pumasok sa industriya, nakapagtapos din naman ng college muna. He was also in basketball during his high school and college years. Now he wants to venture," sabi ni Lotlot.

"Thinking of you anak and the many beautiful blessings that are on your way.. I love you! " caption naman ni Lotlot bilang mensahe kay Diego sa Instagram.

 

 

Ayon sa ulat ng pep.ph, pumirma si Diego ng kontrata sa LVD Management ni Leo Dominguez noong Marso.

Isa si Diego sa mga nakababatang kapatid ng aktres na si Janine Gutierrez.

Samantala, gaganap sa kakaibang istorya para sa "Wish Ko Lang" si Lotlot, kasama sina Ahron Villena at Arny Ross.

Mapapangasawa ng karakter ni Lotlot ang babaerong karakter ni Ahron, na hahantong sa isang malaking pagsubok sa kaniyang buhay.

"Sobrang magmahal. Lahat eh gagawin niya para sa taong mahal niya. But unfortunately, medyo hindi siya nag-work out [ero yung po yung kailangan nilang panoorin, anong klaseng pagsubok ang pinagdaanan niya," pag-imbita ni Lotlot. --Jamil Santos/FRJ, GMA News