Napanatag na ang kalooban ni Kyline Alcantara matapos na ma-contact ang kaniyang pamilya sa Camarines Sur na matinding hinagupit ng bagyong "Rolly."
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing nasa bayan ng Ocampo ang kaniyang lola na tinatawag niyang "Big Tita," at mga tita sa side ng kaniyang ina.
Naroon din ang dalawa niyang kuya na doon nag-aaral.
"Sila Big Mama po hindi namin sila ma-contact for like the whole day, even my brothers, I texted them, tapos hindi po namin sila ma-contact at all," kuwento ni Kyline.
Lalo pang nabahala si Kyline nang padalhan siya ng mga kaibigan ng mga larawan ng mga pinsala ng bagyo sa Camarines Sur.
"As in 'yung mga poste ng kuryente nakababa, sa harap ng school may baha. And 'yung mga puno, as in mga malalaking mga puno, nakababa na sila," anang Kapuso actress.
Matapos naman nito, nakausap na ni Kyline ang dalawa nilang kuya na gumawa ng paraan para hindi na siya mag-alala.
"'Yung mga Pinoy po kasi kumbaga may bagyo man, lagi pa ring nakakahanap ng way na sumaya at tumawa. So pinatawa lang po nila ako," ani Kyline.
Ikinalungkot naman ni Kyline ang pagkamatay ng kaniyang lolo na malapit sa kaniya at tinatawag niyang Papa Ben.
Yumao ito noong panahong papunta si Kyline sa lock in taping para sa kinabibilangang series na "Bilangin ang Bituin sa Langit."
"Sobrang hirap, super duper, duper, duper hirap po na hindi ko makita for the very last time si Papa Ben. As in sobrang hirap makapasok sa set na may ganu'n kabigat na pakiramdam," anang aktres. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News