Hindi isa kundi dalawa ang magiging leading lady ni Ruru Madrid sa upcoming Kapuso series na "Lolong."
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing si Arra San Agustin ang napiling gumanap bilang si Nadine.
Hindi naman daw makapaniwala si Arra nang ianunsyo sa kaniya ang balita.
"Feeling ko prank. Hindi ako makapaniwala, hanggang ngayon tina-try ko i-flashback sa mind ko. 'Huh totoo ba? Habang ginagawa itong interview na ito iniisip ko pa rin 'Huh totoo ba?'" sabi ni Arra.
Sa pagkakaalam ni Arra, kailangan lang niyang sumabak sa second round ng audition kaya talagang naghanda siya para sa role.
"Si direk sabi niya, 'Arra kailangan nating ulitin 'yung eksena, kulang pa para mas maramdaman.' So ang ginawa ko, jumiyak-jiyak (iyak-iyak) ako. Tapos ayun, in-announce sa akin," natatawa niyang sabi.
Agad namang tinanggap ni Ruru ang pagiging leading lady ni Arra, dahil nagkatrabaho na rin sila sa "Encantadia."
"Nu'ng time pa lang na nag-screen test si Arra, I realize na 'Yah! Sobrang bagay nga niya for this role at I know sobrang kaya niya ring ma-pull off," sabi ni Ruru.
"Mahusay 'yan. Since noong 'Madrasta' namin. Noong una siguro naman lahat naman ng artista hindi, pero noong nag-Madrasta kami, nabago talaga 'yung acting niya. Kaya sabi namin, ito si [Arra] puwede siyang maging Nadine," sabi ni direk Rommel Fineza.
Si Shaira Diaz ang unang inanunsyo na magiging unang leading lady ni Ruru sa series.
Tulad ni Shaira, hindi rin daw uurong si Arra sa mga maaaksyong eksena.
"Na-try ko na rin sa Encantadia and at that time, hindi pa talaga ako trained na trained pero nag-enjoy talaga ako sa mga ginagawa namin," sabi ni Arra.--Jamil Santos/FRJ, GMA News