Tuloy pa rin ang taunang Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong 2020 kahit may COVID-19 pandemic at hindi pa batid kung kailan magbubukas ang mga sinehan. Ang mga pelikulang kalahok sa kapistahan, mapapanood online.
Ito ang inanunsyo ni Noel Ferrer, spokesperson ng MMFF sa kaniyang social media post, ayon sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes.
Ayon pa kay Ferrer, iaanunsyo rin sa mga susunod na araw ang worldwide streaming service na magiging kapartner ng MMFF para mapanood sa internet ang mga pelikulang kalahok.
Sinabi rin ni Ferrer na tiniyak ng partner na maiiwasan ang piracy ng movie entries.
Samantala, mapapanood din online ang Pista ng Pelikulang Pilipino 4 simula Oktubre 31.
Kasama sa 145 na pelikulang tampok ang mga pelikula ng GMA Films na Muro-Ami, Jose Rizal, Deathrow, Moments Of Love at Family History.
Matatandaang naging virtual din ang Cinemalaya Film Festival noong Agosto.--FRJ, GMA News