Bagong karanasan para kay Herlene "Hipon Girl" Budol ang kaniyang role sa "Wish Ko Lang" bilang isang kabit. Ayon sa "Wowowin" co-host, nag-"enjoy" siya kahit pa may eksenang "nabugbog" siya at sumakit ang kaniyang katawan.
Kabilang si Herlene sa "Nasunog" episode na mapapanood sa darating na Sabado, Setyembre 19. Kasama niya rito sina Arra San Agustin, Thea Tolentino, at Juancho Triviño.
"'Yung buhay nila nakaka-touch kasi. [Nasunugan] kasi sila eh, buo pa rin 'yung pamilya niya. Kahit na maraming problemang dumating, may namatay tapos may kumabit, buo pa rin 'yung pamilya nila kahit na anong mangyari," sabi ni Herlene sa Kapuso Showbiz News.
"First time pong binugbog ako, bugbog talaga. Ang dami pang take. Ang sakit ng sabunot, ng mga higa-higa masakit," sabi pa ni Herlene kina Glydel Mercado at Vaness del Moral, na natatawa sa mga kuwento ng "Wowowin" co-host.
Hindi rin daw gumamit ng ka-double si Herlene.
"Kaya ko naman po. Gusto ko sa susunod ako 'yung mambubugbog para makapaghiganti," biro niya.
Masaya raw si Herlene na nagkaroon siya ng bagong karanasan sa pag-acting.
"First time ko dati 'yung mga role ko parang kengkoy lang pero hindi naman ako nasasaktan. 'Yung [itong huli] sumakit talaga katawan ko, talagang-talaga. Kaya ayun 'yung parang bago sa role ko, 'yung nabugbog ako. Ang sarap sa feeling, naiba naman," sabi niya.
Dagdag pa niya, "Masakit, pero masaya kasi... masakit katawan ko, pero masaya kasi na-experience ko mabugbog, ganu'n. Parang naiba lang."
Matatandaang nagkaroon na rin ng mga acting project si Herlene sa "Magpakailanman," kung saan gumanap siya bilang isang OFW sa Dubai.
Naghahatid ang "Wish Ko Lang" ng inspiring stories sa buwan ng Setyembre, tampok ang tatag at pagkapanalo ng mga kababaihan sa buhay.--FRJ, GMA News