Habang wala munang palaro sa Philippine Basketball Association (PBA) dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19, food business muna ang inaasikaso ng ilan sa mga basketbolistang sina Calvin Abueva at Scottie Thompson. Alamin kung ano ang kanilang mga pambatong putahe.

Sa "Pera Paraan" ng GMA Public Affairs, sinabing all-around kusinero, waiter at receptionist muna si Calvin sa kaniyang "Dampa Ni The Beast Seafoods."

Isa siyang Kapampangan kaya matagal na siyang marunong magluto, at pinagsabay pa niya ito noong nasa kolehiyo siya at naglalaro.

Bukod sa siya ang bumibili ng mga sangkap sa ilulutong putahe, siya na rin daw mismo ang nagde-deliver sa kaniyang customers.

Si Scottie "The Future" Thompson naman, "Scottea" ang ipinangalan sa kaniyang milk tea business.

Meron nang 20 branches ang kaniyang Scottea nationwide, at best seller nila ang kanilang fruit teas, at Red Velvet, Okinawa, Wintermelon at Macchiato.

Pinasalamatan naman ni Scottie ang kaniyang mga empleyado na nasa likod ng kaniyang negosyo. Bilang parangal din sa frontliners, may katumbas na isa pang milk tea kada isang milk tea na bibilhin.

"Dahil sa ganitong paraan, matulungan natin 'yung mga lungkot, pagod, sakripisyo nila para sa atin," sabi ni Scottie. -- FRJ, GMA News