Hindi lang ang mga Pinoy sa Pilipinas ang nakatutok sa "Wowowin-Tutok To Win" kung hindi maging ang mga Pinoy sa abroad tulad ng isang OFW na wala ngayong trabaho sa Saudi Arabia at maysakit ang misis na nasa Pilipinas.

Sa isang episode ng programa ni Willie Revillame, ang OFW na si Diboy Bibo na nasa KSA ang mapalad na natawagan matapos siyang magpadala ng mensahe habang nanonood ng show na ipinapalabas din sa Facebook at Youtube.

Ayon kay Diboy, 18 taon na raw siyang nagtatrabaho  sa KSA bilang laborer. Pero ngayon, pitong buwan na silang walang trabaho ng kaniyang mga kasama dahil naka-lockdown ang kanilang lugar dahil sa COVID-19 pandemic.

Marami rin umanong Pinoy doon ang walang trabaho at tapos na ang kontrata pero hindi pa rin pinapayagan ng kanilang mga employer na makauwi ng Pilipinas.

Sa kabila ng kalagayan niya sa KSA, ang pamilyang nasa Pilipinas pa rin ang iniisip ni Diboy lalo pa't maysakit at kailangang operahan ang kaniyang asawa.

Kaya naman labis ang pasasalamat niya na natawagan ni Kuya Wil dahil makatutulong sa kaniyang pamilya sa Pilipinas ang perang kaniyang mapapanalunan. Panoorin ang buong istorya sa video na ito.--FRJ, GMA News