Bukod sa hilig niya sa pagdo-drawing at pagsusulat, bagong pinagkakaabalahan ngayon ni Tom Rodriguez ang music production. Gusto rin ng aktor na gumawa ng sarili niyang kanta.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras," sinabing ng aktor na nais niyang makapag-compose ng sarili niyang beat.

"Backing track for my vlogs, for my animations mga ganu'n, until nag-iba-iba na. So ngayon for my songwriting, for my rap. Plano ko sana parang one-man team," sabi ni Tom.

Sinabi ng aktor na 2012 nang magsimula siyang magpundar ng mga equipment, mula sa piano keyboard, microphone hanggang sa latest bluetooth keyboard.

Nagsimula raw ang hilig niya sa musika nang bumida siya noon sa musical play na "Aladdin."

"I'm seeing the orchestra, how our MD would set things up. It inspired me na you can put sounds together and try to create an emotion or a vibe. Parang may nag-click lang sa utak ko na I want to try something like that," sabi ni Tom.

Suportado naman ng nobya niyang si Carla Abellana ang kaniyang bagong hobby.

Samantala, makakasama si Tom sa bagong Kapuso series na "I Can See You: High-Rise Lovers."

Sinabi ni Tom sa kaniyang Instagram na nanibago siya sa pagbabalik-taping dahil sa ipinatutupad na safety protocols sa gitna ng COVID-19 pandemic.

"Siyempre maraming nagbago. Konti lang 'yung tao, kailangan social distancing pa rin and 'yung ibang eksena na usually magagawa mo na may physical touching, dito iniiwasan na talaga," anang aktor.

Balik sa "square one" din ang pakiramdam ni Tom sa acting.

"First eksena ko napakabigat na eksena, at medyo hindi ako satisfied sa ginawa ko, hiyang nahiya ako na baka ako 'yung naging cause of delay sa mga kasamahan ko. Kanina naninibago lang, first debut, parang bagong pasok uli sa eskuwelahan, may kaba," saad niya.

Makakasama ni Tom sa bagong series sina Lovi Poe, Winwyn Marquez, Divine Tetay at Teresa Loyzaga.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News