Kasabay ng pagiging debutante, bagong yugto na rin kay Kyline Alcantara ang pagpasok niya sa kolehiyo. Ang napili niyang kurso, tourism dahil gusto niyang ipagmalaki ang Pilipinas kapag pupunta siya sa ibang bansa.

"It's more of nakakatakot po siya sa akin kasi bagong school eh, so lahat ng nandu'n sa school ko na 'yun kilala po nila 'yung isa't isa and first year ng college and first time ko ring mag-online talaga. So I'm excited for the challenge na kung paano ko ima-manage 'yung time ko," sabi ni Kyline sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes.

Plano raw gamitin ni Kyline ang tourism kasama na rin ng kaniyang pagiging aktres para sa isang mas malaking dahilan.

"I want to have enough knowledge about the Philipines so pagdating sa ibang bansa, kayang kaya kong ipagmalaki kung gaano kaganda ang Pilipinas. Pang showbiz man na sagot pero 'yun po 'yung dahilan talaga kung bakit ako kumuha ng tourism," sabi ng Kapuso breakout star.

Para kay Kyline, parang normal na kaarawan lang ang pagsapit niya ng ika-18 taon, lalo pa't bata pa lang daw siya ay marami na siyang mga napagdaanan sa buhay.

"Wala siyang masyadong pagbabago kasi I feel like ever since kahit noong bata pa ako I had a lot of responsibilities already so hindi ko na ganu'n na-differentiate. Kumbaga ngayon lang na naging legal ako sa napakaraming bagay," anang aktres.

Natanong si Kyline kung paano niya haharapin ang taon ng pagiging isang debutante.

"I'm still happy, I'm still satisfied sa life. Ayun nga po, wala po akong gift sa sarili ko. Wala pa po, nag-iisip po ako ng maybe like for a long-term investment. Mas nag-iisip ako more of like lupa, lote para maybe next year mapatayuan ko na." – Jamil Santos/RC, GMA News