Muling pinatunayan ni Dingdong Dantes ang kaniyang galing sa larangan ng pagiging aktor nang matanggap niya ang presihiyosong Asian Star Prize sa Seoul International Drama Awards ngayong taon.

Nakuha ni Dingdong ang naturang award dahil sa pagganap niya bilang si Capt. Lucas Manalo o “Big Boss” sa Pinoy adaptation ng hit Korean drama series na “Descendants of the Sun.”

Tinanggap ni Dingdong ang trophy sa isang virtual awarding ceremony nitong Martes, habang pinasalamatan naman ang lahat ng mga frontliner.

 

 

“This award is also a tribute to all frontliners of the world—soldiers, healthcare workers, and volunteers. This award is also for my loved ones and the Filipino people,” saad ni Dingdong sa kaniyang speech.

“May we find consolation knowing that our stories are being appreciated, especially during these trying times,” dagdag pa ng Kapuso Primetime King.

Ang Asian Star Prize ay isang non-competition na kategorya na nagbibigay parangal sa mga nasa Asian television drama production.

Maliban kay Dingdong, nakatanggap na rin ng Asian Star Prize ang iba pang Kapuso actor na sina Alden Richards, Dennis Trillo at Gabby Concepcion.

Kinilala naman ng Seoul International Drama Awards ang Pinoy adaptation ng “Descendants of the Sun” bilang Most Popular Foreign Drama of the Year nitong Agosto.

Ang Seoul International Drama Awards ay isang taunang pagdiriwang na tinitipon ang lahat ng propesyunal sa larangan ng TV drama production at media industry, pati na rin ang global audience na mahilig sa television dramas. – Jamil Santos/RC, GMA News