Ipinaliwanag nina Camille Prats at VJ Yambao sa kanilang anak na si Nathan na may kahirapan ang sitwasyon ng online schooling ngayong may COVID-19 pandemic, para makapaghanda ang bata sa bagong sistema ng pag-aaral.
"Si Nathan, Grade 7, high school na siya. Bago nag-start itong online classes niya, kinausap talaga namin siya ni VJ," kuwento ni Camille sa panayam sa kaniya ng "Unang Hirit" nitong Biyernes.
"Sinabi namin na it will really be challenging for him kasi bago talaga lahat. So sinabi na namin na i-expect mo na na medyo mahihirapan ka. Para 'yung umpisa mo, 'yung paglatag mo ng mga bagay-bagay at pag-create mo ng system mo sa online schooling mo, masimulan mo na siya, hindi ka mahihirapan in the long run," dagdag niya.
Humihingi raw si Nathan ng tulong kapag hindi niya naiintindihan.
"So it's easier for him kasi medyo nakakaintindi na. 'Pag may hindi siya naiintindihan tinatawag niya kami agad," sabi ng "Mar Pa More" host.
Nasa nursery naman na si Nala, na may klase ng MFW na 45 minuto lamang.
"Kapag siya 'yung may pasok, tutok talaga ako ate. Kasi 'pag hindi, 'yung age kasi nila hindi mo naman talaga sila mapapapirmi at magfo-focus sila sa class," sabi ni Camille.
Mapapanood si Camille sa "Makulay Ang Buhay" na magsisimula sa Setyembre 15, 9:30 a.m. sa GMA. --Jamil Santos/FRJ, GMA News