Ibinahagi ng komedyanteng si Donita Nose ang naging laban niya sa COVID-19. Nalaman din niya sa duktor na hindi ito ang tamang panahon para mag-diet ngayong may pandemic.
"Tinanong ako ng doktor eh, 'Saan ka ba galing? Anong ginagawa mo?' Tapos 'Nag-diet ka ba?' Sabi ko 'Opo doc, nagda-diet ako,'" kuwento ni Donita sa GMA Public Affairs online program na "Survivors."
"'Actually, sa totoo lang...' Sabi niyang ganoon sa akin, 'this is not the right time para mag-diet,'" payo daw sa kaniya ng doktor.
"So that time ako talaga as in hindi ako nagra-rice, chicken lang ako tapos kaunting ganito, tinapay. Tapos 'pag gabi halos hindi ako kumakain, itlog lang," kuwento ni Donita.
Dahil dito, inalagaan ni Donita ang kaniyang katawan.
"So as in talagang medyo naging conscious ako ngayon sa health ko kasi alam ko na 'yun talaga ang kailangan palakasin ngayon, 'yung immune system dahil 'yun talaga ang tinatamaan," anang comedian.
Kaya sa loob ng dalawang linggo, bumuti ang pakiramdam ni Donita. Agosto nang nakalabas na siya ng ospital.
Tunghayan sa "Survivors" ang kuwento ng paglaban ni Donita sa COVID-19, at ang payo ng mga eksperto tungkol sa pagda-diet sa gitna ng pandemya.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News