No problem para kina Boobay at Super Tekla kung wala munang studio audience sa kanilang pagbabalik sa "The Boobay and Tekla Show."

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing mapapanood ang fresh episodes ng "TBATS" simula sa Setyembre 13, Linggo, matapos na magbalik-taping na ang programa.

"Bago kami pumasok sa studio, parang clueless kung anong mangyayari, kung ano ang magiging environment sa loob. Naninibago kami kasi konti lang 'yung tao, walang studio audience," kuwento ni Boobay.

Aminado naman ang dalawa na importante ang live audience dahil sila ang nagbibigay ng energy sa mga host.

"Napakaimportante 'yun, hindi ba Tekla, kasi parang importante sa kanila na meron pa rin nakikitang reaksyon nang live, 'di ba?" ayon kay Boobay.

Ngunit dahil sa pandemic at pag-iingat sa hawakan ng COVID-19, bawal at hindi pa pinapayagan ang live studio audience.

Pero hindi na problema ang kawalan ng live audience dahil ginawan na ito ng paraan ng programa.

"Dapat nilang pakaabangan kasi, kung wala kaming studio audience, meron kaming virtual audience," masayang anunsyo ni Boobay.

Dahil sa magiging virtual ang audience, maaari na ring makapanood at makipagkulitan pati ang mga Kapuso abroad.

"Nakita namin 'yung mga reaction namin nila, ganiyan. Talaga namang iba-ibang klase ng reaksyon ng audience namin, so nakakatuwa," sabi pa ni Boobay.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News