Masaya, ganado at balik-trabaho na uli si Super Tekla matapos na maging matagumpay ang operasyon sa kaniyang anak na si Baby Angelo dahil sa anorectal malformation.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabi ni Tekla na mahigit isang buwan na mula nang makauwi si Baby Angelo matapos ang operasyon.
"Okay naman siya, sobrang likot at ang lakas dumede. Tapos napakaganda ng response niya, 'yung psychomotor niya ang bilis," sabi ng "The Boobay and Tekla Show" co-host.
"Nakakatuwa lang kasi napaka-positive ng mga response ni Angelo, kasi nalagpasan niya na lahat halos eh. Ito na lang 'yung stage na nagre-response siya, nasisilawan siya pagka may biglang ilaw na malakas. Tapos magugulatin. Ibig sabihin, everything is normal," dagdag pa ni Tekla.
Ipinanganak si Baby Angelo nitong Hunyo, pero may anorectal malformation o birth defect kung saan wala siyang butas ang puwet.
Tinulungan naman ni Kuya Willie Revillame si Super Tekla, na dati ring co-host sa "Wowowin."
Nagsagawa rin ang mga Kapuso artist na sina Ken Chan, Glaiza de Catro, Julie Ann San Jose, at iba pa ng isang online benefit concert para makakalap ng pondo sa operasyon ni Baby Angelo.--Jamil Santos/FRJ, GMA News