Naging emosyonal noong nakaraang linggo si Gladys Guevarra nang ihayag niya paghihiwalay nila ng kaniyang fiancé na si Leon Sumagui, at kunin pa umano ng lalaki ang pera sa negosyo niyang kakanin. Ang mga paratang, mariin naman itinanggi ni Leon.
Sa kaniyang Facebook live noong Setyembre 2, nagpaliwanag si Gladys sa mga kliyente niya na kailangan muna niyang kanselahin ang mga order na mga kakanin.
"Kailangan ko po sa inyong i-explain ang hindi inaasahang pangyayari. Ito po ay may kinalaman sa personal kong buhay. Ito po ay may kinalaman sa ipinakilala ko sa inyong jowa ko, partner ko which is si Dada, si Tiger," sabi niya, na tumutukoy kay Leon.
"Ito pong hindi inaasahang kadahilanan ay medyo hindi kami nagkaroon ng magandang pag-uusap from last night, hindi kami nagkaunawaan, hindi kami nagkaintindihan. Dumating po kami sa puntong, okay fine hiwalay na po kami today. Wala na po kami today," dagdag pa ni Gladys.
Kinakansela muna ni Gladys ang mga order ng kaniyang customer dahil bank account umano ng kaniyang nobyo ang nakalagay sa kaniyang page.
Ipinakita pa ni Gladys sa kaniyang FB live ang nagulo niyang opisina nang i-down umano ni Leon ang computer kung saan naroon ang records ng mga customer, pati ang kanilang mga bayad at order.
Matapos nito, inasikaso raw ni Gladys ang pagpapabalik ng perang naihulog ng mga customer sa bank account ni Leon.
Gayunman, meron pa umanong hindi naibabalik si Leon na pera sa halagang P9,100.
"Actually maliit lang naman, P9,100. Kaya lang 'yung trust ba, na karelasyon ko pa tapos ini-introduce ko sa inyong lahat, in-introduce ko sa pamilya ko, in-introduce ko sa mga kaibigan ko, ganu'n pa magagawa sa akin," sabi ni Gladys.
"Pasensya na po, pasensya na talaga, ayokong mangyari ito kasi inaalagaan ko itong page na ito, marami na rin akong naging kaibigan dito... Ititigil ko muna 'yung luto, ibabalik ko lahat ito sa inyo," sabi ni Gladys sa kaniyang mga costumer.
Mensahe ni Gladys sa kaniyang dating partner: "Hindi ako naiiyak Leon kasi nawala ka. Wala kang kuwentang tao Leon. Bawat kibot sa'yo, pera. Kung ito hindi nagma-matter sa'yo, kung tingin mo dito negosyo lang, passion sa akin ito kasi pagluluto ito. Grabe itong ginawa mo sa akin Leon, grabe."
Depensa ni Leon
Sa isang video naman, sinagot ni Leon ang mga paratang sa kaniya ng dati niyang nobya.
Giit ni Leon, hindi niya itinatakbo ang pera ng mga customer at ibinabalik pa ito kapag nagmemensahe sila ng resibo sa kaniya.
Katunayan, kausap pa rin daw ni Leon ang pamangkin na pulis ni Gladys para sa pagbabalik ng pera.
"Kung may tinakbo talaga akong pera, why not kasuhan na lang po ako or ipahuli na lang ako sa pulis? Madali naman ho 'yun eh. Kung may ginawa talaga akong kasalanan, 'yung pamangkin niya po which is pulis, puwede naman akong hulihin doon," sabi ni Leon.
"At ngayon po, ka-message ko pa rin po 'yung pamangkin niya na pulis para ibalik 'yung mga pera na pumapasok pa rin daw po or hindi ko na na-trace, hindi ko na na-monitor na pumapasok na pera doon sa account ko," dagdag pa ni Leon.
Tungkol naman sa natagalan siyang ibalik ang refund, sinabi ni Leon na kausap na niya ang kuya ni Gladys para dito na niya lang ibabalik ang pera.
"Ang hirap po kasi na kausapin 'yung tao na... Hindi mo makakausap 'yung tao habang may hawak siyang kutsilyo, 'di ba? Sino ba naman ang gustong makipag-usap sa taong gano'n? So minabuti ko pong kausapin na lang 'yung kapatid niya tsaka 'yung pamangkin niya regarding du'n sa pera na matagal daw nabigay for refund," patuloy ni Leon.
Gayunman, hindi pa rin daw ibinabalik ni Gladys ang mga naiwan niyang gamit sa kanilang tinitirhan.
Mariin ding pinabulaanan ni Leon na "ni-ransack" niya ang opisina nila ni Gladys dahil katunayan, halos lahat ng gamit doon ay kaniya.
"'Yung place na 'yun is 'yun 'yung pinaka-comfort zone ko na. So lahat ng gamit ko, as in, siguro 90% ng gamit ko nandu'n lahat sa office na 'yun. So 'yung mga tinanggal ko du'n sa office na 'yun, it belongs to me," paliwanag niya.
"'Yung computer po na sinabi niya na ni-ransack ko raw, is wala po akong kinuha doon. Kumbaga, siguro may natanggal na wire, pero once sinaksak niyo po 'yun gumagana po 'yun ma-a-access niyo po lahat ng files, documents, makikita po doon lahat ng transactions," dagdag pa ni Leon.
Kaya naman daw isinara ni Leon ang order form para hindi na makapaglagay ng order at makapagdeposito ang mga customer sa kaniyang bank account. Pero kung bubuksan ang computer, gumagana pa rin daw ito.
Itinanggi rin ni Leon na nambababae siya.
"Pandemic na nga, mambababae ka pa, 'di ba? Wala nang trabaho mambababae ka pa. So I'm not that kind of guy."
"Alam kong mabuti siyang tao, mahirap lang siyang mahalin," ayon kay Leon. --FRJ, GMA News