Inihayag ni Lovely Abella na nagpositibo siya sa coronavirus disease (COVID-19) at kinailangang sumailalim sa dalawang linggong quarantine.

Sa ginanap na virtual press conference ng "Bubble Gang" kamakailan, natanong ng entertainment journalist na si Gorgy Rula kung nakuha ba ni Lovely ang COVID-19.

"Naging asymptomatic po ako, COVID po," pagkumpirma ng aktres.

"Medyo nag-ingat lang po kasi ako, kasi may paninda ako, may Lovely Cosmetics ako kaya hindi po namin nilabas," dagdag ni Lovely, na sinabing may plano rin siyang ihayag sa publiko ang kaniyang naging kondisyon.

Ang fiance niyang si Benj Manalo muna ang nag-asikaso ng kanilang negosyo habang naka-isolate at naka-quarantine si Lovely.

"I made sure po na nakatago ako na naka-isolate ako, and si Benj po lahat gumagawa nun, kaya tumigil din po ako sa online selling," anang Bubble Gang mainstay.

Ayon kay Lovely, nagpakita ng dalawang linya ang kaniyang rapid test, na nangangahulugang dati na niyang nakuha ang virus.

Nagpa-swab test daw sila nina Benj nang magpakita ng sintomas ng COVID-19 ang kanilang helper.

 

 

"Ako po 'yung nag-positive. Sila po, negative."

Hindi raw naging madali ang sitwasyon para kay Lovely.

"Dumaan po ako sa punto na na-depress talaga ako. Wala akong ginawa kundi umiyak kasi natatakot ako para sa anak ko," anang aktres. "Dahil asymptomatic ako, hindi ko alam kung tama ba ang ginagawa ko, hindi ko alam kung paano ma-prevent, para hindi sila mahawaan."

Sumailalim si Lovely sa dalawang linggong self-quarantine, kung saan natulog sila ni Benj sa magkahiwalay na kama. Naka-mask daw si Lovely sa buong panahon na iyon.

Natapos na ni Lovely ang kaniyang isolation, at magaling na raw siya ngayon.

"Kinausap ko po yung doktor kung kailangan ko bang mag-swab test ulit... Sabi niya, basta wala na ho akong symptoms."

Hirap na lang daw sa paghinga kapag gabi ang nararamdamang sintomas ni Lovely. Mabuti rin ang pakiramdam ni Benj at wala ring ipinakitang senyales ng impeksiyon.

Nag-iingat ngayon ang mag-partner sa kanilang tahanan.

"May mga UV light po kami. May mga air purifier, lahat ... Kaya okay na po ako ngayon."

Maliban kay Lovely, nagpositibo rin sa virus ang Bubble Gang creative director at comedy genius na si Michael V., pero gumaling na. – Jamil Santos/RC, GMA News