Nagpahatid ng mensahe ng pasasalamat, pagpapaumanhin at pagpapakatatag ang ilang artista para sa mga medical frontliner napatuloy na lumalaban sa COVID-19 pandemic.
Kabilang sa mga Kapuso celeb na nagpaabot ng mensahe ay sina Dingdong Dantes, Marian Rivera, Janine Gutierrez, Sunshine Dizon, Chynna Ortaleza, Gabbi Garcia, Gabby Eigenmann, at Jo Berry.
Ipinost ng League of Filipino Actors (AKTOR) ang video para ipahayag ang suporta nila sa medical health workers.
"Sorry kung hindi mo ramdam. Patawad kung nakakakalimot kami minsan. Higit sa mga salita, higit sa titulo, nararapat ka para sa pagpupugay at pag-aalaga, at ipaglalaban namin ang nararapat sa'yo. At ituturing ka naming bayani, pero hindi martir. Ang ibig kong sabihin, kailangan ka namin ng buhay, dahil babawi pa kami sa'yo pagkatapos, hindi ba?" mensahe ng mga aktor.
"Pero, sa ngayon, sana kumapit ka pa. May isisilang tayong bagong mundo. Gusto ko makita ka ro'n, gusto ko maging bahagi ka no'n. Makakasama ka roon, at kung hindi namin sa'yo nasasabi nang madalas, pasensya na," anang mensahe.
"Pero ngayon, bago ka umalis sa trabaho sana'y alam mo: Abot langit ang pasasalamat namin sa'yo. Maraming salamat."
Inilabas ang video matapos na pumanaw ang 40 mga doktor, at magkasakit ang maraming health workers habang ginagampanan ang kanilang trabaho.
“Pinapalakpakan ng AKTOR ang buhay at paglilingkod ng ating mga frontliners at health workers... Lagi kaming kayakap sa inyong paglaban para sa kalusugan ng bayan," saad sa video.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News