Inilahad ng aktres na si Alessandra De Rossi na hindi pa siya handang bumalik sa taping ngayong patuloy pa ang pagtaas ng kaso ng COVID-19. Kasabay nito, inihayag din niya ang pagsubok sa pagbabalik-trabaho ng film industry sa gitna ng pandemya.
Sa panayam sa kaniya ni Howie Severino sa "Quarantined With Howie Severino," sinabi ni Alessandra na natatakot siya na lumabas ng bahay sa panahon ngayon.
"'Yung pag-alis mo kailangang may baon kang anti-COVID kit sa takot mo na baka... Like, even when I drive… Like, takot na takot, hirap na hirap ako, na what if may bumangga sa akin, ganu’ng kaunti lang? Ayaw ko nga pong lumabas, ayokong bumaba, I don't wanna talk about it. ‘Yung parang mga ganu'n?" saad niya.
Dagdag pa ni Alessandra: "Right now talaga sa totoo lang parang, nagpapaka-honest naman ako sa mga nag-o-offer sa akin to work na I really need a job. But, mas mahalaga 'yung buhay ko kesa sa kung anumang puwede kong kitain. Magpapakatotoo na ako – I am not ready to go out. Hindi ganoon kalakas ang resistensya ko and ayoko rin ng... Okay lang kung ako lang, e pero paano kung may mahawa ako, 'di ba?"
Bilang isang producer, ayaw daw itaya ni Alessandra maski buhay ng ibang tao sa mga hindi inaasahang pangyayari.
Meron na raw inihahandang proyekto si Alex, ang kaniyang mga manager at ang Viva Films para sa Oktubre, pero papayag lamang siya kung hindi na malala ang sitwasyon.
"Pero kung ganito pa rin siya, 'yung ngayon? 'Yung 2,000 cases, 1,000 a day? No. No. And I don't think naman pipilitin nila ako na sasabihing, 'Alex, lahat naman pinagbigyan namin tapos hindi mo kami pagbibigyan?' Baka umiyak ako. Sasabihin ko, 'Ito na lang po ba ang halaga ng buhay ko sa inyo?’ Kasi kung ito, sumama kayo sa shoot. Sama-sama tayo. Hindi kaya, e. Hindi kaya. Hindi talaga kaya," sabi ng aktres.
"And then nu'ng nag-start 'yung lockdown, you will realize na walang kuwenta ‘yung trabaho ko. Wala siyang puwedeng gawin for the pandemic. Wala. Hindi ako frontliner. Alam mo 'yun? Sana may-ari na lang ako ng grocery. Alam mo 'yung ganu'n? ‘Yung something. Something else. ‘Yung, ano nga bang puwedeng gawin ng isang artista ngayong lockdown? Ano, mag-vlogging? O kung trip mo. E ako wala pa ako doon. I know I'll get there."
Gayunman, naiintindihan din ni Alessandra ang pangangailangan ng iba na kailangan pa ring magtrabaho para sa kanilang pamilya o dahil sa kanilang tungkulin.
"Pero ako mismo, hindi ako ready talaga pa. Takot ako. Takot ako. Takot akong magkasakit. You've been through that. Mr. Howie Severino. ‘Yung, iniisip ko pa lang 'yung thought na COVID ‘yung ikamamatay ko, parang puwede bang iba na lang? 'Yung mayakap man lang ako ng mga mahal ko sa buhay, madalaw man lang nila ako. I don't wanna die alone. Hindi yata 'yun ‘yung plano ko for myself. So parang nag-usap na kami rito sa bahay with my kasambahays, sabi ko kasi, 'Ano? COVID o gutom? Gutom na lang no, para at least sama-sama tayo? Okay, go.’ Ganu'n na lang," sabi ni Alex.
Sinang-ayunan naman ni Alessandra ang mas kaunting mga empleyado sa production sa pagbabalik ng film industry sa trabaho.
"Papunta na ‘to sa indie films, e. 'Yung nakasanayan ko na sa sobrang konti namin, ako na mismo ang minsan nagbubuhat ‘nung stand ng camera para matapos na. Naglalakad na kami going to the location. 'Akina, buhatin ko na 'yang mga costume na 'yan para magtulungan na tayo.' Ganu'n na ‘yung mangyayari, pero no touching. Paano? Mahirap. Mahirap, mahirap talaga." —LBG, GMA News