Inihayag ng co-host ni Kuya Wil sa "Wowowin" na si Donita Nose na positibo siya sa COVID-19 batay sa naging resulta ng kaniyang swab test.
Gayunman, nilinaw ni Donita sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, na ilang linggo na siyang hindi lumalabas sa "Wowowin-Tutok To Win" nang maramdaman niya ang mgas sintomas ng virus.
Una raw niyang naramdaman ang pagkakaroon ng lagnat at nasundan ng pagdudumi. Sumunod na nito ang pananakit ng kaniyang ulo at pagkakaroon ng ubo.
Sa ikawalong araw daw ng kaniyang mga sakit ay nagsimula na siyang mahirapan sa paghinga.
Sa ngayon ay nasa isang ospital daw si Donita para mabantayan ang kaniyang kalusugan.
"Ngayon ko lang naranasan yung iihi lang ako pero...habang umiihi ako hinahabol ko yung hininga ko. Ganung siya kalala," kuwento ng TV host.
Dahil sa kakulangan umano ng kuwarto sa mga pasyente ng COVID-19, nasa emergency room daw si Donita at natatakpan ng plastik ang kinaroroonan ng mga pasyente para mai-isolate sila.
Pumayag daw si Donita na magpa-interview para malaman ng mga taong nakasalamuha niya na positibo siya sa virus at maaaring hindi pa nasasabihan.
Isa naman daw si Willie Revillame ang kaagad na nagpaabot ng tulong sa kaniya.
"Kahit mag-isa lang ako dito, I know na hindi ako nag-iisa sa mga dasal, sa lahat. Kasi alam ko na maraming nagmamahal sa akin," sabi ni Donita.
Dapat din daw na maging paalala sa lahat ang nangyari kay Donita na huwag maging kampante sa pag-iingat laban sa virus.
Gayunman, positibo naman ang pananaw ni Donita na malalampasan niya ang pagsubok na ito.
"COVID ka lang, hello!," sabi ni Donita.
Bukod kay Donita, kasalukuyang din nagpapagaling sa COVID-19 ang Kapuso comedy genius na si Michael V.--FRJ, GMA News