Lalo raw tumaas ang respeto ni Max Collins sa mga nanay matapos niyang maranasan mismo ang hirap sa panganganak nang isilang niya si Baby Skye Anakin.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing hindi maipaliwanag nina Max at mister niyang si Pancho Magno ang saya nang makita na nila ang panganay nilang anak si Skye Anakin.

Ipinangalan si Skye Anakin sa karakter sa "Star Wars" dahil big fan si Pancho ng naturang Hollywood movie.

Matatandaang itinuloy ni Max na mag-water birthing sa bahay dahil na rin sa pangamba niya na manganak sa ospital ngayong may COVID-19 pandemic.

"Mahirap siya. I really thought it wouldn't be as hard as it was but mahirap talaga siya. But sobrang fulfilling ang feeling after kasi now I feel so much more empowered and iba na ngayon ang respeto ko sa mga mommies kasi hindi siya madali [na] manganak," sabi ni Max.

Patuloy pa ng aktres, "Iba 'yung joy after but then grabe talaga 'yung pain, as in."
Sobrang hanga naman si Pancho sa kaniyang asawa na kinaya ang naturang paraan ng panganganak.

"Kaya sobrang proud ako sa kaniya, nagawa niya nang walang anesthesia, walang gamot, so parang sabi ko... hindi mo talaga ma-explain," saad ni Pancho.

Masusustansiya ang kinakain ngayon ni Max at tumigil muna siya sa workout. Nagpapasalamat din siya sa mabilis na pagbawi ng kaniyang lakas.

"I think because normal so buti na lang. It was easy to recover, I was walking the same day," ani Max.

Unti-unting natututo sina Pancho at Max sa pag-aalaga ni Baby Skye, sa tulong ng mga kaibigan at mahal sa buhay pati mga impormasyon online.

"The hard part lang talaga is the feeding kasi maya't maya siya nagfi-feed. As in like 30 minutes or every hour so we're up the whole night. I think that was the adjustment period for us, doon kami nahirapan," sabi ni Max.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News