Mula sa pagiging multi-awarded rapper, songwriter, at vlogger, ngayon naman ay online seller na rin si Gloc-9 ng kaniyang fried chicken. May mapagkumbaba rin siyang tugon sa netizen na pumuna sa kaniyang ginagawang pagbebenta.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing makikita sa cooking vlog ni Gloc-9 ang kakaibang style niya ng pagluluto ng fried chicken, na sinamahan niya ng rap.
Dahil sa ganda ng kanta, baka hindi raw mamamalayan ng nakikinig na naituro na ni Gloc 9 kung paano magprito ng manok.
Ibinibenta rin ni Gloc-9 ang kaniyang fried chicken, kung saan makikita sa IG post, kung paano mag-order.
Gayunman, nakatanggap din daw minsan ng puna si Gloc-9 sa ginagawa niyang pagbebenta.
Mayroon naman siyang maikli at mapagkumbabang paliwanag.
"May nagtanong sa akin, 'Idol bakit ka nagbebenta ng kung ano ano? Hindi bagay sa'yo.' Sabi ko sa kaniya, 'Tol wala namang masama siguro doon di ba? At alam mo ba na kasama sa trabaho ko noon bago ako mag rap ay maglinis ng basurahan, kubeta at kanal?," saad niya.
Paalala pa ng rapper: "Tandaan niyo mga kababayan, iba na ang panahon natin ngayon. kailangan nating lumaban para mabuhay para sa mga mahal natin. Wala kang dapat ikahiya kung ang trabaho mo ay marangal at wala kang tinatapakang kapwa mo. Kaya natin ito! APIR!!! ."
Bukod sa pritong manok, nagbebenta rin siya ng dinuguan.
Ibabahagi rin ni Gloc ang kaniyang kaalaman sa kaniyang master class sa writing at composition.
Nitong linggo lang inilabas na ang first-day iTunes topping collab ni Gloc-9 kasama si Asia's Pop Diva na si Julie Anne San Jose na "Para sa Bahaghari Mo."-- Jamil Santos/FRJ, GMA News