Big hit sa Netflix Philippines ang "Through Night and Day" na pinagbibidahan nina Alessandra de Rossi at Paolo Contis. Pero hindi pala si Paolo ang aktor na unang nasa isip ni Alessandra na maging kapareha sa pelikula. Alamin kung sino.

Trending at most-viewed movies sa Netflix Philippines ang "Through Night and Day," na unang ipinalabas sa mga sinehan noong 2018 pero hindi masyadong napansin.

Si Alessandra ang nakaisip ng konsepto at kuwento ng pelikula at hindi raw si Paolo ang aktor na nasa isip niya nang binubuo niya ang kuwento nito.

"I wrote this for empoy [Marquez], kaya ginawa kong childhood friends para tanggap na nila isa't isa. Ano man! Love you poy! Charot! Ngunit may kontraban. Not viva or octo. Perfect si paolo, btw. Ginalingan," saad ni Alessandra sa Twitter post.

Si Empoy ang kapareha ni Alessandra sa pelikulang "Kita Kita," na tumabo noon sa talikya.

 


Sa Facebook post naman ng scriptwriter ng "Through Night and Day" na si Noreen Capili, pinatotohanan niya ang sinabi ni Alessandra, nagbigay din siya ng ilan pang trivia tungkol sa paggawa ng naturang movie.

Kabilang na rito ang plano ni Alessandra na maging directorial debut sana ng aktres ang pelikula pero nagbago ang isip nito para matutukan ang mahirap niyang karakter na si Jen.

Ikinuwento rin niya kung bakit "Through Night and Day" ang titulo ng pelikula at hindi nila nakuha ang right sa kanta na gusto sana nilang maging OST ng movie.

"'Through Night and Day' ang title kasi it’s a line from Eric Clapton’s song, Tears in Heaven. Ito dapat ang OST ng movie pero hindi nakuha ang rights dahil ayaw daw ni Eric (wow close) ipagamit sa iba ang song na personal sa kanya. So the producers opted for I Will Be Here," kuwento ni Capili.


Muntikan na rin daw mamatay si Alessandra sa pool scene dahil sa hypothermia.

"Muntikan na ikamatay ni Alessandra yung scene sa pool. Hypothermia. Hindi na siya makahinga at naninigas na siya kaya kailangan siyang balutin sa thermal blanket at yakapin," dagdag pa ni Capili. --FRJ, GMA News