Aminado ang actress-turned-politician na si House Deputy Speaker at Batangas 6th District Representative Vilma Santos-Recto, na may mga mambabatas na dating sumusuporta sa pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN Corporation ang biglang umatras sa araw ng botohan.

Gayunman, hindi masabi ng "Star for All Season" kung nagkaroon ba ng lobbying para patayin na talaga ang prangkisa ng naturang network.

“Maski ako nagulat din kasi may mga author na umatras din bigla. So hindi ko masabi kung may mga lobbying,” saad ng kongresista sa panayam ng ANC.

Sa ginanap na botohan nitong nakaraang Biyernes, 70 kongresistang miyembro ng House committee on legislative franchises ang bumoto laban sa pagkakaloob ng prangkisa sa ABS-CBN, at 11 kongresista lang ang pumabor, kabilang si Vilma.

Ayon sa aktres, handa na rin siya kung sakaling patawan muli siya ng parusa dahil sa hindi pagsuporta sa kagustuhan ng mayorya laban sa prangkisa ng ABS-CBN.

Nangyari na raw kasi noon sa botohan ng death penalty law na sumalungat din siya sa posisyon ng mayorya at inalisan siya ng pinamumunuang komite.

“It happened to me already when I voted ‘no’ doon sa death penalty… sinabi nila na kailangan masuportahan ‘yong major bill na ‘yon, ‘yong death penalty and unfortunately, I stood my ground and I voted ‘no.’ So I lost my chairmanship,” kuwento niya.

“Pero kung ano man ‘yong naging desisyon ko ngayon dito sa renewal ng franchise ng ABS-CBN at magkakaroon ulit ng mga ganoong consequences, I think I’m prepared for that. Ganoon talaga, so tanggapin natin,” patuloy ni Ate Vi.

Iginiit din ng kongresista na walang conflict of interest kung bumoto siya pabor sa prangkisa ng ABS-CBN kahit may programa sa naturang network ang kaniyang anak na si Luis Manzano.

“I'm not part of the management or the operation of the company,” paliwanag niya. “Same thing with my son. Si Luis naman is already an adult. Mayroon na siyang desisyon para sa sarili niya and at the same time, he’s just a talent. Kaming dalawa naman ng anak ko, hindi naman kami stockholders ng kompanya so wala akong nakikita na conflict of interest doon kaya ako bumoto.”--FRJ, GMA News