Nangako ang UP Fighting Maroon player na si Kobe Paras na tutulong siya na makalikom ng pondo para mapiyansahan ang pito katao na inaresto matapos magprotesta sa University of the Philippines-Cebu laban sa anti-terrorism bill.

Dinakip ng mga awtoridad ang pito dahil lumabag umano ang ito sa health protocols na nagpapabawal sa mass gathering o maramihang pagtitipon dahil sa krisis na dulot ng COVID-19.

Kabilang si Paras, sa mga nagpahayag din sa social media ng pagtutol sa kontrobersiyal na panukalang batas.

Sa isa niyang Twitter post, sinabi na Kobe na mangangalap sila ng pondo para makalaya ang mga inarestong "isko" at "iska" sa Cebu.

"I saw the news in Cebu about my fellow isko and Iskas. To all my people there who got arrested thank you standing up for what is right," ayon sa basketbolista.

"To all my isko and iskas in cebu & everywhere else, stay strong, stay safe, and stand ten toes down. We will raise money to bail those affected!," dagdag niya.

 

 

Una rito, nagpahayag din ng pakikisimpatiya si Kobe sa nagaganap na protesta sa Amerika na Black Lives Matter movement kaugnay ng pagkamatay ng blak American na si George Floyd sa kamay ng mga pulis na "puti."

"I am a human being. I will stand up for what is right. I will NEVER shut up and just dribble," sabi ni Kobe sa Instagram.

"I will be there for my fellow brothers and sisters here in Manila, America, Hong Kong, and the rest of the world," dagdag niya. --FRJ, GMA News