Matinding pagpaplano raw ang ginawa ni Kris Bernal at ng kaniyang mga staff para sa muling pagbubukas ng kaniyang restaurant sa ilalim ng General Community Quarantine. Ayon sa aktres, may mga empleyado siyang umaasa sa naturang negosyo kaya kailangan na rin nilang magbukas.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas, sinabing laging nasa isipan ni Kris ang inalalayan niyang mga empleyado na naapektuhan ng nararanasang krisis.
Tulad ng maraming business owners, aminado si Kris na ramdam din niya ang epekto nang matagal na hindi pag-operate ng kaniyang restaurant mula nang ipatupad ang community quarantine.
Matapos sabihin ng Inter-Agency Task Force (IATF) na malapit nang ibalik ang dine-in operations sa ilalim ng GCQ, matinding planning daw ang ginawa nina Kris at ng mga kaniyang staff para maging safe ang kainan para sa lahat.
"So ang hirap talaga, nag-adjust talaga ako from operations, sa menu and sa sanitation ng restaurant, sa number of employees na papasok, may rental fees ka pa, may electricity ka pa. Ang dami mong iko-consider pero siyempre 'yung benta hindi pa rin ganoon kalakas katulad ng dati," sabi ni Kris.
Bukas na ang pick-up orders ng restaurant ni Kris sa ngayon pero no mask, no entry pa rin. Mayroon ding disinfection mat, alcohol at may plastic curtain ang improvised counter sa pagkuha ng orders at pagbabayad.
"Since we have kasi 18 employees nga, doon pa lang parang sinusuportahan mo sila and gusto na rin nila ng trabaho. At least kahit paano may natutulungan ka," sabi ni Kris.--Jamil Santos/FRJ, GMA News