Online homeschooling ang pinakamagandang paraan na nakikita nina Diana Zubiri at Yasmien Kurdi para makapag-aral ang kanilang mga anak ngayong may COVID-19 pandemic.
Dahil peligroso ang face to face na paraan ng pagtuturo sa klase, isinusulong ngayon ng Department of Education ang tinatawag na "blended learning" ngayong school year.
"Naghahanap na kami at naghihintay kami ngayon kung ano 'yung ibibigay ng dati niyang school kasi sana, same school pa rin pero ang alam ko talaga, may ino-offer sila lalong lalo na ngayon sa sitwasyon na pinagdadaanan natin ngayon," sabi ni Diana sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras."
"Ang sabi naman sa amin ng school na meron daw face-to-face interaction online ang teacher saka among estudyante. Ang sabi nila magkakaroon daw ng classroom set-up ang mga estudyante with the teacher na parang nasa isang klase naman sila pero online," ayon naman kay Yasmien.
Ginagawan na rin nina Diana at Yasmien ng paraan kung paano matututukan ang mga anak sa online classes kapag balik-trabaho na rin sila.
"Kukuha na po siguro ako ng assistant sa yaya ni Ayesha or 'yung mga tita niya or lola't lolo para tulungan 'yung bata na mag-aral online. And I guess matinding time management skill lang talaga ang kailangan natin dito," sabi ni Yasmien.
"Pero kasi 'yung anak ko very independent na 'yun eh. Meron naman din kaming nakita na nag-o-offer ng online tutorial ng one on one tapos naka-video call, isa 'yun sa mga bagay na puwede kong gawin," ani Diana.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News