Mula nang ipatupad ang community quarantine sa Metro Manila, hindi pa nakikita ni Kristoffer Martin ang kaniyang pamilyang nasa Olongapo.
Sa panayam ng Kapuso Showbiz News, sinabi ni Kristoffer na pinili niyang huwag nang umuwi sa Olongapo dahil sa iniisip niya na baka taglay niya ang virus.
"Hindi ako umuwi [sa Olongapo] kasi natakot ako na maglo-lockdown, natakot ako na baka mamaya carrier pala ako hindi ko alam," saad niya.
Ayon pa sa aktor, nakararamdam siya ng pag-ubo nang panahon iyon kaya sinabi niya sa sarili na kung infected man siya ng COVID-19 ay hindi siya manghahawa.
Gumaling naman ang naturang ubo na naramdaman niya.
Upang malaman ang kalagayan ng mga kaanak sa Olongapo, sinabi ni Kristoffer na lagi silang nagtatawagan at video call para kumustahin ang kaniyang mga magulang at mga kapatid.
Kaya naman uuwi raw kaagad siya sa Olongapo sa sandaling payagan ng gobyerno ang bumiyahe.
At habang naka-quarantine sa Maynila, sinabi ng Kapuso actor na naging routine niya ang mag-workout para mapanatiling maayos ang pangangatawan para ready siyang sumabak sa trabaho.
Aniya, mahirap umanong tumaba at magpaliit ng katawan.
Inamin din ni Kristoffer na nagkaroon din siya ng "realization" habang naka-quarantine na noong una ay inakala niyang hindi mangyayari.
Ano naman kaya ang napagtanto sa panahon na puwede siyang magmuni-muni ng kaniyang buhay? Panoorin ang video. --FRJ, GMA News