Napuno ng masayang asaran at biruan ang pagbisita ni Janno Gibbs sa "Wowowin-Tutok To Win" ni Willie Revillame. Ayon sa TV host, ipinagdasal nila na dumating sana ang batikang mang-aawit... kaya nang mangyari--"it's a miracle."

Sa pagsisimula ng programa nitong Lunes, nagbiro si Kuya Wil na hindi na naman sumipot si Janno sa usapan na maggi-guest at magiging opening number sana sa produksiyon.

Sa kalagitnaan na ng programa, sinabi ni Kuya Wil na wala pa rin si Janno kaya ang driver na lang niya ang pakakantahin. Pero nang tutukan ng camera ang umaawit, si Janno na pala.

Matapos umawit, sinabi ni Janno na may mga nag-text sa kaniya at nagagalit dahil inakalang totoo ang sinabi ni Kuya Wil na hindi niya sinipot ang programa.

Paliwanag ni Kuya Wil, sadyang ibinitin lang niya ang pagpapakita kay Janno, na kabilang sa mga pinakahinahangaan niyang mang-aawit.

Sa katunayan, ilang araw na ang nakalilipas nang sabihin ni Kuya Wil na isa si Janno sa nais niyang maging bisita sa "Wowowin."

Idinagdag pa ni Kuya Wil, na noon pa mang nasa kabilang mga TV network siya ay iniimbitahan niya si Janno pero hindi raw ito sumisipot.

Kaya 15 years in the making daw ang katuparan ng pagbisita ni Janno sa show ni Kuya Wil.

"Alam mo bang gabi-gabi nagdarasal kami, nagpapadasal ako dito, darating ba siya [Janno]?... dumating, it's a miracle," sabi ni Kuya Wil.

Natatawang sagot naman ni Janno, "Ako ba naman eh tatanggi pa ba ko, eh wala na ngang kumukuha sa akin."

Pinabati naman ni Kuya Wil kay Janno, ang kaibigan niyang si Ogie Alcasid.

Pabirong pagbati ni Janno, "Pareng Ogie, inggit na inggit ka noh, panay Facebook ka na lang ngayon."

Sinabi ni Kuya Wil na nais din niyang mai-guest si Ogie at sana raw ay magpaalam ito sa kaniyang network.

Bilang pagsuporta sa mga awiting Pilipino, nag-iimbita ng mga OPM singer si Kuya Wil.

Samantala, ikinuwento naman ni Janno nang huli silang nagkita ni Kuya Wil sa isang clothing store kung saan ipinakita ng TV host ang kabaitan nito. Panoorin ang video.
-- FRJ, GMA News